Ako’y isang Pinoy sa puso’t diwa
Pinoy na isinilang sa ating bansa
Ako’y hindi sana’y sa wikang mga banyaga
Ako’y Pinoy na mayroong sariling wika……
Bata pa ako ng una kong marinig ang awitin na ito. Masarap pakinggan at sambitin ang bawat salita sa awiting ito sabay sa saliw ng himig na para bang ikaw lamang ay naglalaro. Dahil bata pa ako noon, di ko lubos na tanto ang tunay at malalim na kahulugan ng awiting ito.
Bakit nga kaya ganoon ang aking naging mentalidad? Sa paaralan puro wikang Ingles ang gamit dahil batid nating ito ay impluwensya ng pagsakop ng mga Amerikano sa ating bansa. Kapag naghanap ka ng trabaho at ikaw ay kakausapin para kilalanin ng mabuti, wikang Ingles ang gamit. Kadalasan isip ng maraming Pinoy na ito’y sukatan ng talino at galing. Kapag mahina ka dito, nakakahiyang malaman at minsan ay masabihan ka pa na wala kang pinag-aralan.
Ang mas nakakahiyang realidad ay kapag magaling at mahusay ka sa wikang banyaga, ikaw ay sosyal, mayaman, konyo, matalino, mahusay, at higit sa lahat ay kahanga-hanga. Napakapayak at nakakahiyang marinig ang mga bagay na ito para sa isang Pinoy na tulad ko. Sinikap ko mang maging maalam sa wikang banyaga pero ni kailanman ay di ko kakalimutan o ipagpapalit ang aking sariling Wika.
Maraming bansa sa buong mundo ang umunlad na gamit ang kanilang sariling wika. Pero tayong mga Pinoy, patuloy nating inaakap ang isang wika na di naman naglalarawan ng ating pagiging isang tunay at tapat na Pilipino. Sabi mo Pinoy ka? Bakit ang Lupang Hinirang kapag inaawit sa sinehan o kung saan pa man di mo man lang maawit ng may buong puso at kalooban. Sabi mo Pinoy ka? Bakit palagi na lang mas gusto mong tangkilikin at gamitin ang mga bagay o gamit na gawa ng mga banyaga. Sabi mo Pinoy ka? Bakit nga ba patuloy kang nagpapaka-sosyal sa paggamit ng wikang di naman sa atin nagmula. Sabi mo Pinoy ka? Bakit ang iyong mga anak natutuwa kang marinig na gamit ang wikang banyaga.
Hindi ko itatanggi ang katotohanan na malaki ang naitutulong sa paggamit ng wikang banyaga sa maraming Pilipino lalo na sa tulad kong naghahanap buhay sa ibang bansa. Pero maraming pagkakataon na nakakapagod gamitin ito dahil hindi ito ang wikang aking pinagmulan na dumadaloy sa bawat ugat ng aking buong pagkatao. Pilipino ako at Mahal ko ang bayan ko. Mamahalin kong buong-buo ang pagka-Pilipino ko. Kasama na rito ang paggamit ng aking sariling Wika.
Saan man ako mapunta o dalhin ng tadhana patuloy ko pa rin isasabuhay ng buong katapatan ang aking pagiging isang Pilipino. Dahil, “Ako’y isang Pinoy sa puso’t diwa, Pinoy na isinilang sa ating bansa. Ako’y hindi sana’y sa wikang mga banyaga. Ako’y Pinoy na mayroong, sariling Wika.”